Si Pilu Bibo
(Anekdota ni Allan M. Utleg)
Ang magandang kinabukasan ay pinaghahandaan. Ang pag- abot ng mga pangarap sa buhay ay bunga ng pagsisikap sa pag-aaral. Karaniwan sa mga may determinasyon ay may matagumpay na kapalaran. At ito ay maitutulad sa isang pakikipagkaibigan.
Pasukan na naman. Nag-uunahan ang mga mag-aaral na pumasok sa kani-kanilang silid-aralan. Sabik na sabik silang makitang muli ang mga dating kaibigan at makilalang lubos ang mga bagong kamag-aral.
​
Samantala, may batang bihis na bihis. Nagpalinga-linga si Pilu. Nang makita ang Grade 4- Ilocos na nakasabit sa may pintuan ay agad siyang tumakbo. Pumasok na siya sa silid at agad pumagitna.
​
“Magandang araw po sa inyong lahat,” masayang pagbati ni Pilu.
​
Lahat ay nagulat. Nagtinginan sa isa’t isa.
​
Biglang nagtawanan dahil sa pagkurap-kurap ng mga mata sabay pagngiti ni Pilu.
​
“Kitang-kita ko na kayo ay nagulat sa aking pagdating. E, ibig ko sanang ipakilala ang aking sarili dahil ako ay bago lamang sa inyong paaralan.”
Hindi kumibo ang mga mag-aaral sa Grade 4-Ilocos. Napakatahimik ng buong silid ng mga sandaling yaon na tila namangha sa kanilang natunghayan.
​
Muling nagsalita ang batang bibo. “Ako nga pala si Pilu. Batang bibo at palakaibigan. Ang aking kasabihan ay kapag walang kakilala, ikaw ang magpakilala. Sabi sa akin ni nanay ay gulatin ko raw kayo. Kaya ang ginawa ko kanina ay ginulat ko kayo ng masayang pagbati ko. Gusto ko sana ay maging kaibigan ko kayong lahat.”
​
Nagulat ang lahat sa sinabi ni Pilu. Pagkuwan ay nagbulungan ang mga mag-aaral.
​
Habang naglalakad na patungo sa kaniyang upuan, isa-isang kinamayan ni Pilu ang mga kamag-aral sabay tinatanong ang kani-kanilang mga pangalan.