Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna
Paglaganap ng Korido sa Panahon ng Kastila
Noong Marso 16, 1521, dumating si Ferdinand Magellan sa Pilipinas, na nagbukas ng ugnayang Espanyol at Pilipino. Gayunpaman, ang tunay na pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas ay nagsimula noong 1565 sa pamamagitan ni Miguel Lopez de Legaspi, na nagtatag ng unang permanenteng pamayanan sa Cebu. Ito ang nagsimula ng mas malawakang kolonisasyon ng Pilipinas at nagdulot ng malalim na epekto sa kultura at lipunan ng bansa.
Sinunog ng Kastila ang mga nakasulat na panitikan ng ating mga ninuno dahil sa kanilang layunin na itaguyod ang Katolisismo, pinalitan nila ang mga nakasulat na panitikan ng mga Pilipino ng mga akdang naglalaman ng mga aral ng Katolisismo. Dahil dito, ang panitikan noong panahon ng Kastila ay nagkaroon ng mga elemento at anyo na katulad sa mga akdang Espanyol. Lumaganap ang mga anyong tulad ng mga tulang liriko, awit, korido, at pasyon sa larangan ng panulaan.
Ang panitikan ay naging isang mabisang instrumento upang mapalaganap ang relihiyong Katolisismo sa bansa. Ang mga tulang romansa, tulad ng awit at korido, ay nagbibigay-halaga sa diwang Kristiyanismo at karaniwang naglalarawan ng mga pakikipagsapalaran at kabayanihan kung saan ang pangunahing tauhan ay nagtatagumpay dahil sa kaniyang matatag na pananampalataya at matiyagang pagtawag sa Diyos.
Ang Ibong Adarna ay isang tulang pasalaysay na kilala sa kanyang romantisadong paksa na naglalarawan ng mga bayani na taglay ang dugong bughaw. Ito ay isa sa mga paboritong anyo ng tula sa Europa, partikular na ang mga tulang pasalaysay na may paksa ng pakikipagsapalaran at kabayanihan. Ang ganitong uri ng tulang romansa ay kilala at popular sa iba't ibang wika at karaniwang binabasa ng mga kababaihan. Sa Espanya, lalo itong sumikat noong panahon ng mga haring Katoliko, lalo na matapos ang pagtanggap ng kontrol sa Granada noong 1479.
Hanggang sa ngayon, hindi pa rin tiyak kung sino ang tunay na may-akda ng koridong Ibong Adarna. Sinabi ni Pura Santillan-Castrence, kilalang propesor ng literatura, na maaaring ang kwentong Scala Celi ang pinagmulan ng Ibong Adarna. Ipinapahayag na ang akda ay likha ng isang paring Dominiko noong 1300 A.D. Ang Scala Celi ay tumatalakay sa isang hari na maysakit at nangangailangan ng tubig ng buhay upang gumaling. Sa paglalakbay ng tatlong anak upang hanapin ang lunas, ang bunso ang pinakamabait at pinakamagalang. Siya rin ang nakakamit ng lunas para sa sakit ng kanilang amang hari matapos tulungan ng isang matandang lalaki. Pinagdaanan niya ang maraming pagsubok sa pagkuha ng tubig ng buhay, kabilang ang pagharap sa mapanganib na ahas, mga nakabibighaning dalaga, at mga kawal na nagbabantay. Sa wakas, nagtapos ang kuwento sa pagpapakasal ng prinsipe at prinsesa, at namuhay sila nang maligaya.
Dahil dito, ang tunay na pinagmulan ng kwento ng akdang ito ay maaaring hango lamang sa mga kuwentong-bayan ng iba't ibang bansa sa Europa tulad ng Romania, Denmark, Austria, Alemanya, at Finland. Ito rin ang nagtutulak sa ilan na hindi ganap na ituring ang Ibong Adarna bilang bahagi ng panitikang Pilipino dahil sa likas nitong pagkakaroon ng pinagmulan sa ibang bansa. Sa pagsusuri ng kasaysayan, kilala ang anyo ng tulang romansa sa Europa noong panahon ng Medieval o Middle Ages. Tinatayang noong 1610, mula sa bansang Mexico, dumating ang akdang ito sa Pilipinas at ginamit bilang isang kasangkapan ng mga Espanyol upang hikayatin ang mga katutubo na tanggapin ang relihiyong Katolisismo.
​
May mga koridong hindi matunton ang sumulat kaya maaaring sabihing salaysaying-bayan. Ang ganitong salaysay ay nagpalipat-lipat sa maraming bibig, yumaman sa nilalaman, at habang isinalaysay ay nadaragdagan. Gayunpaman, sinasabi ng maraming kritiko ang pagpapalagay na ang may akda o unang humango nito ay si Jose Dela Cruz na kilala sa tawag na Huseng Sisiw. Ayon kay Julian Cruz Balmaceda, Si Huseng Sisiw ang nagturo umano kay Francisco Balagtas kung paano sumulat ng tula.
Bagama't ang Ibong Adarna ay itinuturing na halaw o nagmula sa ibang bansa, ang nilalaman naman nito ay sumasalamin sa kalinangan at kultura ng mga Pilipino. Sa akdang ito, makikita ang mga natatanging kaugalian at halaga ng mga Pilipino tulad ng matibay na pananampalataya sa Poong Maykapal, pagpapahalaga sa pamilya, respeto sa mga magulang at nakatatanda, pagtulong sa mga nangangailangan, paggalang sa kapwa, pagtanaw ng utang na loob, pagpapahalaga sa dignidad ng kababaihan, at determinasyon sa harap ng mga pagsubok.
Bukod sa mga aral na ito, tinangkilik din ng mga Pilipino ang Ibong Adarna noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol dahil nagdulot ito ng aliw at kasiyahan sa kanila. Sa katunayan, itinuturing na panitikang pantakas (escapist) ang Ibong Adarna dahil sa sandaling pagbabasa o panonood nito, pansamantalang nakakalimutan ng mga Pilipino ang kanilang mga suliranin at naihahatid sila sa ibang mundo, kung saan nagaganap ang pakikipagsapalaran ni Don Juan, ang pangunahing tauhan sa akda.
Sa lahat ng koridong nailimbag at isinulat sa Pilipinas, mas nakilala ang Ibong Adarna dahil bukod sa mga pirasong ito ay mabibili sa mga perya tuwing kapistahan, ipinapalabas din ito sa mga entablado, tulad ng komedya o moro-moro. Dahil sa malawakang paglipat-lipat ng mga sipi, ang mga manuskrito at maging ang mga inilathalang kopya ng Ibong Adarna ay binibigyang-pansin ang pagkakasulat nito, lalo na ang mga sukat at tugma ng bawat saknong. Sa kasalukuyan, ang mga standardisadong sipi ang karaniwang ginagamit sa mga paaralan at pahayagan na kasasalaminan ng ating lipunan gayundin ng mga pagpapahalagang Pilipino.