Theme: Disaster Preparedness (EARTHQUAKE) “Kung tayo ay handa, Sakuna ay walang panama”
Sa panahon ng lindol, makararanas tayo ng pagyanig ng lupa. Ang ganitong mga klaseng kalamidad ay nagbibigay sa atin ng takot. Kailangan nating iwasan ang ating pagkatakot para hindi lumalala ang sitwasyon lalo na kung wala pa tayong karanasan sa mga ganitong bagay. Paano nga ba natin masisiguro ang ating kaligtasan? Ano nga ba ang dapat nating gawin bago, habang, at pagkatapos ng lindol?
​
Ang lindol ay isang biglaan at natural na paggalaw ng lupa. Ito ay isang mapanganib na sakuna. Ang mga kadalasang kalalabasan nito ay ang pagkabitak-bitak ng mga sementong daan, pagguho ng mga gusali, pagguho ng lupa, at higit sa lahat ay ang kamatayan. Ang mga ito ay maiiwasan natin kung tayo ay laging handa. Ano nga ba ang dapat nating gawin bago ang lindol? Una, pag-usapan kasama ang pamilya ang tungkol sa lindol. Pag-usapan niyo kung saan kayo magkikita-kita kapag natapos na
ang lindol. Pangalawa, kailangan nating suriin ang mga bagay na maaaring mahulog sa loob ng ating bahay kung sakaling lumilindol. Pangatlo, kailangan nating maghanda ng First Aid Kit dahil ito ay naglalaman ng mga importanteng pangangailangan na maaari nating gamitin. At huli, dapat lagi tayong alisto at manood ng mga balita tungkol sa mga maaaring paparating na kalamidad, hindi lang sa lindol kundi pati na rin sa tsunami, bagyo at iba pa.
Tuwing lumilindol, maraming mga tao ang nakararamdam ng matinding takot na kung saan hindi makapag-isip ng maayos ang mga tao. Para mapasiguro ang kaligtasan natin sa mga sitwasyong ito, ano nga ba ang mga pwede nating gawin? Una sa lahat, iwasan ang pagkakaroon ng matinding takot at maging kalmado sa lahat ng oras. Habang lumilindol, huwag nang umalis sa pwesto. Huwag nang magtangka pang tumayo at maglakad. Maghanap kung saan pwedeng sumilong upang hindi malaglagan nang anumang bagay na mahuhulog sa taas dahil importanteng protektahan una ang ulo. At laging tatandaan ang ‘duck, cover and hold’. Sunod, kung ikaw ay mayroong mga kasama, kailangang hindi kayo magkakahiwalay. Kailangang siguraduhin na ligtas ang iyong mga kasama. At sa huli, kailangang maging alerto sa mga hindi inaasahang pangyayari gaya ng mga aftershocks.
Ang lindol ay mahirap iwasan dahil biglaan ang pagdating nito. Kaya marami tayong dapat malamang mga hakbang sa paghahanda. Pero hindi pa diyan nagtatapos ang ating paghahanda. Ano nga ba ang mga dapat nating gawin pagkatapos ng lindol? Una, kailangan nating suriin ang ating mga sarili kung mayroon tayong mga nakuhang sugat. Sunod, umiwas sa mga sirang gusali para maiwasan ang pagguho nito. At huli, kailangang maging kalmado tayo bago, habang o pagkatapos ng lindol.
Maiiwasan ang malaking pinsala ng lindol kung tayo ay magiging handa. Kailangan nating maging alerto lagi upang maiwasang lumala ang sitwasyon. Ayon kay Stephen King, There’s no harm in hoping for the best, as long as you’re prepared for the worst.