Ang Ibong Adarna bilang Isang Korido
Ang Ibong Adarna ay isinulat bilang isang korido o isang uri ng awit bilang panalanging iniaalay sa Birheng Maria.
Ang salitang "Korido" ay nagmula sa Mehikanong salita na "occurido" na nangangahulugang "mga pangyayaring naganap na". Ang salitang Mehikanong "ocorrido" naman ay mula sa Kastilang "corridor." Ang korido ay isang uri ng tulang pasalaysay na romansa na naglalarawan ng mga pakikipagsapalaran sa buhay na may kinalaman sa kababalaghan at pantasya. Ito rin ay nagpapakita ng kagitingan, kabayanihan, at pagkamaharlika.
May dalawang pangunahing uri ng tulang pasalaysay: ang awit at korido.
Sa awit, ang sukat ng bawat saknong ay lalabindalawahing pantig (12 syllables). Karaniwang mabagal ang pagbigkas o pag-awit nito, kaya't ito ay may pagkamadamdamin (andante). Ang paksa nito ay malapit sa kasaysayan, kaya't higit na makatotohanan. Bukod dito, ang awit ay kilala sa pagiging buhay at masigla ang damdamin.
Sa kabilang dako, ang korido ay isang anyo ng tulang Espanyol. Sa korido, ang sukat ng bawat linya sa isang saknong ay wawaluhing pantig (8 syllables). Mabilis ang pag-awit o pagbigkas nito (allegro) tulad sa mabilis na pagsasalaysay. Karaniwang ang paksa nito ay mga alamat at pantasya, at kung minsan ay may kapangyarihang supernatural ang mga tauhan. May malalim na damdaming relihiyoso ang korido.
Nagkasanib sa tulang romansa ang dayuhan at ang katutubo. Dayuhan ang (1) anyong pampanitikan na galing sa Europa at dinala rito ng mga prayle at sundong Kastila; (2) ang mga tauhan, na may prinsipe at prinsesang may mga pangalang dayuhan; (3) ang tagpuan, na karaniwang isang malayong kaharian sa Europa; at (4) ang paksang relihiyoso na pinalalaganap sa pamamagitan ng anyong pampanitikang ito.
Ngunit binibihisan na ang tulang romansa ng katutubong pagkamalikhain. Katutubo ang (1) wikang ginagamit sa mga tulang romansa; (2) ang tradisyon sa pagtula na dati nang ginagamit sa panitikang salimbibig, tulad ng bugtong, sawikain, at iba pa; (3) ang mga talijghagang likas sa wika; at (4) ang mga pagpapahalagang pamana ng ating mga ninuno,tulad ng pagmamahal sa magulang, pagtulong sa nangangailangan at iba pa.
Noong 1949, sa pamamagitan ng matiyaga at masusing pag-aaral ni Marcelo P. Garcia ng iba’t ibang sipi ng Ibong Adarna ay isinaayos niya ang pagkakasulat ng kabuoan ng akda partikular ang sukat at tugma ng bawat saknong. Sa kasulukuyan, ang kanyang isinaayos na sipi ang karaniwang ginagamit sa mga paaralan at palimbagan.
Ang orihinal na pamagat ng Ibong Adarna ay Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Cahariang Berbania.
Ang orihinal na bersiyong nakarating sa Pilipinas ay mayroong 1,056 na saknong at ang kabuuan ng aklat ay mayroong 48 na pahina.
Dahil sa mga aral na makukuha sa korido ay ginawa itong kabahagi ng pag-aaral ng mga kabataan at isa sa mga akdang pampanitikang tinatalakay sa hayskul.
Taglay ng Ibong Adarna ang motif cycle na karaniwang matatagpuan sa mga kuwentong-bayan:
1. May sakit ang amang/inang hari/reyna, isang mahiwagang bagay lamang ang lunas
2. Maglalakbay ang tatlong anak na prinsesa/prinsipe upang hanapin ang lunas
3. Magtatagumpay ang bunso dahil sa kanyang likas na kabutihan at pagkamatulungin
4. Aagawin ng mga nakatatandang kapatid ang nahanap niyang lunas at karangalan, pahihirapan siya, ngunit magtatagumpay rin sa huli
5. Makauuwi siya at gagaling ang may sakit na magulang